Thursday, January 28, 2010

Paghahanda

Magulo ang mundo ko. Magulo sa aspetong hindi ako mahilig mag-ayos. Bakit? Kasi nakakatamad. Tsaka madalas pagod. kaya ngayong natapos na ang Dakilang Panayam na ang tagal ko nang inaayos [kasama ng kapareha ko], medyo malaking ginhawa na. Hindi ko sigurado kung bakit ko binuhos ang malaking bahagi ng oras ko para dito [at talagang namamangha na lang 'yung kapareha ko kasi siguro parang todo ang pagsisikap ko sa dalas ng pulong na pinapatawag ko]. Siguro kasi may mga bagay ako na gustong patunayan sa guro ko. Pero mas mahalaga na ginagawa ko 'to marahil dahil mayroon akong gustong patunayan sa sarili ko: na kaya kong higitan ang iniisip nilang kaya kong gawin kapag ninais ko. Hay. Dekahong buhay na nilalaan para masiyahan ang iba? Siguro. Pero sana hindi magtagal. Sana matutuhan ko na ang dahilan ng buhay [42?].

Bahagya akong nahirapan sa gawaing ito dahil na nga rin sa hindi ganoong kataas na antas ng pagpupursigi ng kapareha ko. Para tuloy pakiramdam ko, nakakadala. Kung kailan ganahan ako [na sobrang minsan lang!], saka naman hindi sasang-ayon ang nasa paligid ko. Sana matutuhan kong gawin ang mga bagay nang hindi nagpapaapekto sa sasabihin o ikikilos ng iba.

Eh 'di natapos na nga 'yun 'di ba? Kaso kanina pag-uwi ko, parang may kulang. Hindi tungkol sa panayam dahil ginawa ko naman lahat ng makakaya ko, kundi sa klase mismo. Parang nararamdaman kong tapos na ang klase. Kapareho ang pakiramdam 'pag kuhanan na ng classcards sa ibang General Education subjects. Iba talaga. Parang wala lang.

Bakit parang ang layo ko sa kanilang lahat?

No comments:

Post a Comment