Hindi ako nahilig sa anime kasi noong bata pa ako, kapag hapon na at Dragon Ball, Ghost Fighter, atbp., pinapapatay ng nanay ko 'yung TV. Puro raw kasi awayan ng awayan, baka gayahin namin. Naisip ko lang, ni minsan hindi sumagi sa isip ko na i-ka-me-ha-me-wave mga kaibigan ko. Pero kasama ng iba pang kababaihan, hindi rin syempre nakaligtas si Dennis (ang taong lobo!) sa pagpapantasya ko. Curious na curious rin ako dun kela Miyaka. Hahaha. Ang sarap magbalik-tanaw...
Halos. Asin at paminta yung buhok ng halos parehong haba, pati yung tabas ng mukha, kuhang-kuha. May t-shirt naman siya, pang teenager nga yung suot niyang shirt at pants combo. Sayang lang, dahil kahit dala ko, biglang nasira ilang sandali bago ang tagpo yung camera ko.
Parehas na lasang asukal. Ang pinagkaiba lang, isang donut doon sa may brand ay katumbas ng labing isa doon sa simpleng bakery para marating ang nakakahilong kalagayan.
Lumabas ako saglit para pumunta ng CR. Pagbalik ko, nandun na siya. Katabi ko sa kaliwa. May kasama siyang babae na mas matangkad. Mukhang ka-relasyon niya. Hindi sila gaanong nag-uusap. Pareho lang kami ng katabi kong nakatingin sa harap. Sa altar, sa krus, sa projection.
Hindi ko alam pero may naramdaman akong kakaiba sa tagpong 'yun. Na parang may koneksyon kami, na nagkita o nagkakilala na kami dati. Pero kakaiba lang dahil sa ibang pagkakataon, lilingonin ko siya, magkukunwaring may tinitignan sa likod pero ang totoo'y sumusulyap lang sa kanya. Ngunit hindi ko nagawa, hindi ko rin maintindihan kung bakit. Ganoon rin siya. Nakatingin lang sa harap o sa kabilang direksiyon. Sa gilid ng mata, naaninag ko siya. Maikli ang buhok. Mas maliit sa akin. Naka-itim na jacket.
Dumating ang Ama namin. Nakahawak na siya sa babaeng katabi at kasama niya pero hindi pa sa akin bagam't nakataas na ang kanang kamay niya. Tinanggap ko ang paanyaya. At sa pagkakataong iyon, parang naramdaman ko ang simula ng lahat. Malmbot ang kamay niya, medyo nanginginig. Nakalapat ang aking hinlalaki sa kamay niyang maputi. Ang sa kanya ay hindi.
At nagkaroon na ng pagbati ng kapayapaan. Lumingon muna siya sa kaliwa niya kaya lumingon rin ako sa kabilang direksyon. Pagpaling ng ulo ko sa kaliwa, sabay kaming bumati sa isa't-isa. Hindi matagal ang pagdampi ng mga mata namin sa isa't-isa. Pero gumuguhit hanggang ngayon ang alaala ng pangyayari. Desido ang mga mata niya, buo ang katangian nito. Malaki pero maliit. Blanko ang guhit sa mukha niya.
Umawit pagkatapos, at sa tinig niya, tantsa kong nasa mid-20's siya, samantalang ako'y ilang buwan pa ang dadaanan para makabot ng 20.
Hindi siya nagkomunyon, 'yung kasama niya lang. Nakayuko lang ako noon. Ano kaya ang nararamdaman niya? Hindi ko na siya katabi sa pagluhod, nasa dulo na ako ng upuan nakapuwesto
Sa pagtatapos ng sermenoyas, sadyang nakapaling ang atensyon niya sa direksiyon ng kasama. At bagama't nakita kong lumingon siya ng bahagya sa direksiyon ko, ako naman ang hindi nakatitig sa kanya.
Ang tagpong iyon ay sadyang mahiwaga. Ang lapit. Ang layo. Sino ka? At sino ako? Bakit tayo nagkita? Bakit ganito ang tagpo?
Magulo ang mundo ko. Magulo sa aspetong hindi ako mahilig mag-ayos. Bakit? Kasi nakakatamad. Tsaka madalas pagod. kaya ngayong natapos na ang Dakilang Panayam na ang tagal ko nang inaayos [kasama ng kapareha ko], medyo malaking ginhawa na. Hindi ko sigurado kung bakit ko binuhos ang malaking bahagi ng oras ko para dito [at talagang namamangha na lang 'yung kapareha ko kasi siguro parang todo ang pagsisikap ko sa dalas ng pulong na pinapatawag ko]. Siguro kasi may mga bagay ako na gustong patunayan sa guro ko. Pero mas mahalaga na ginagawa ko 'to marahil dahil mayroon akong gustong patunayan sa sarili ko: na kaya kong higitan ang iniisip nilang kaya kong gawin kapag ninais ko. Hay. Dekahong buhay na nilalaan para masiyahan ang iba? Siguro. Pero sana hindi magtagal. Sana matutuhan ko na ang dahilan ng buhay [42?].
Bahagya akong nahirapan sa gawaing ito dahil na nga rin sa hindi ganoong kataas na antas ng pagpupursigi ng kapareha ko. Para tuloy pakiramdam ko, nakakadala. Kung kailan ganahan ako [na sobrang minsan lang!], saka naman hindi sasang-ayon ang nasa paligid ko. Sana matutuhan kong gawin ang mga bagay nang hindi nagpapaapekto sa sasabihin o ikikilos ng iba.
Eh 'di natapos na nga 'yun 'di ba? Kaso kanina pag-uwi ko, parang may kulang. Hindi tungkol sa panayam dahil ginawa ko naman lahat ng makakaya ko, kundi sa klase mismo. Parang nararamdaman kong tapos na ang klase. Kapareho ang pakiramdam 'pag kuhanan na ng classcards sa ibang General Education subjects. Iba talaga. Parang wala lang.
May iba na hirap managinip. Iba ang problema ko. Hindi ko maalala ang mga panaginip ko. Kung naaalala ko man, nahihirapan akong kunin 'yung ibang detalye mula sa alaala. Interesadong-interesado kasi ako sa panaginip dahil marami raw matututuhan ang tao mula sa kanyang subconcious.
Nitong mga nakaraang araw, naiiwan kong bukas ang ilaw sa kwarto kaya medyo nagigising-gising ako (kaya putol-putol rin ang tulog ko). Ngunit napansin ko, mas naaalala ko ang mga napapanaginipan ko! Kaya lang, ayun. Medyo inaantok ako sa maghapon.
Sana matutuhan kong matandaan ang mga panaginip ko kahit patay ang ilaw.
Nakakatuwa ang pakiramdam kapag kinikilig ka dahil sa pangyayari na naganap sa'yo ngunit iba pala talaga kapag kinikilig ka sa iba. Hindi ko alam kung bakit pero para sa akin, mas nakaktuwa ang huling nabanggit. Pwedeng mas hindi masaya siguro ang karansan ko o 'yun rin 'yung gusto kong mangyari sa akin. Pero hindi rin. Iba talaga.
Kung tutuusin, maaaring mangyari ang ganito habang nanood o nagbabasa ka ng kung ano. Pero hindi gaya ng iba, binawasan ko na ang pagsangguni sa palabas ng mga artista kasi masyadong nababauktot at nakakahon ang ideya ng romantikong relasyon at pag-ibig (bukod pa sa ibang bagay). Ngunit ang tinutukoy ko ay nangyayari sa totoong buhay.
Kaklase ko na rin siya noong nakraang semestre pero ngayon lang kami talaga nakapag-usap talaga. Kung pito lang ba naman kayo sa klase (mukhang malalagasan pa ng isa), hindi pa ba kayo magkikibuan? Ayun, naikwento niya ang kanyang buhay pag-ibig at talagang naaliw ako! Bagay na bagay kasi sila. At ang cute (gamit sa kontekstong hindi pang-aso) kasi nila, tipong sabik na sabik mag-aral 'yung kaklase ko mag-aral para sa pagsusulit kung saan kaklase niya 'yung kasintahan niya dahil ayaw niya mataasan siya nito. Mukha bang mababaw? Natuwa ako kasi napapabuti nila ang mga ginagawa nila dahil sa isa't-isa. (Sana lang ganito pa rin dalawa't kalahatng taon mula ngayon.)
'Pag naalala ko sila, ito ang naiiisip kong kanta:
Oo, alam kong parang hindi akma ang kanta pero ito kasi 'yung biglang tumugtog sa radyo habang nagkukuwento siya. Kaya 'pag tumugtog ito, lagi ko silang maaalala nang may ngiti.