Parehas na lasang asukal. Ang pinagkaiba lang, isang donut doon sa may brand ay katumbas ng labing isa doon sa simpleng bakery para marating ang nakakahilong kalagayan.
Lumabas ako saglit para pumunta ng CR. Pagbalik ko, nandun na siya. Katabi ko sa kaliwa. May kasama siyang babae na mas matangkad. Mukhang ka-relasyon niya. Hindi sila gaanong nag-uusap. Pareho lang kami ng katabi kong nakatingin sa harap. Sa altar, sa krus, sa projection.
Hindi ko alam pero may naramdaman akong kakaiba sa tagpong 'yun. Na parang may koneksyon kami, na nagkita o nagkakilala na kami dati. Pero kakaiba lang dahil sa ibang pagkakataon, lilingonin ko siya, magkukunwaring may tinitignan sa likod pero ang totoo'y sumusulyap lang sa kanya. Ngunit hindi ko nagawa, hindi ko rin maintindihan kung bakit. Ganoon rin siya. Nakatingin lang sa harap o sa kabilang direksiyon. Sa gilid ng mata, naaninag ko siya. Maikli ang buhok. Mas maliit sa akin. Naka-itim na jacket.
Dumating ang Ama namin. Nakahawak na siya sa babaeng katabi at kasama niya pero hindi pa sa akin bagam't nakataas na ang kanang kamay niya. Tinanggap ko ang paanyaya. At sa pagkakataong iyon, parang naramdaman ko ang simula ng lahat. Malmbot ang kamay niya, medyo nanginginig. Nakalapat ang aking hinlalaki sa kamay niyang maputi. Ang sa kanya ay hindi.
At nagkaroon na ng pagbati ng kapayapaan. Lumingon muna siya sa kaliwa niya kaya lumingon rin ako sa kabilang direksyon. Pagpaling ng ulo ko sa kaliwa, sabay kaming bumati sa isa't-isa. Hindi matagal ang pagdampi ng mga mata namin sa isa't-isa. Pero gumuguhit hanggang ngayon ang alaala ng pangyayari. Desido ang mga mata niya, buo ang katangian nito. Malaki pero maliit. Blanko ang guhit sa mukha niya.
Umawit pagkatapos, at sa tinig niya, tantsa kong nasa mid-20's siya, samantalang ako'y ilang buwan pa ang dadaanan para makabot ng 20.
Hindi siya nagkomunyon, 'yung kasama niya lang. Nakayuko lang ako noon. Ano kaya ang nararamdaman niya? Hindi ko na siya katabi sa pagluhod, nasa dulo na ako ng upuan nakapuwesto
Sa pagtatapos ng sermenoyas, sadyang nakapaling ang atensyon niya sa direksiyon ng kasama. At bagama't nakita kong lumingon siya ng bahagya sa direksiyon ko, ako naman ang hindi nakatitig sa kanya.
Ang tagpong iyon ay sadyang mahiwaga. Ang lapit. Ang layo. Sino ka? At sino ako? Bakit tayo nagkita? Bakit ganito ang tagpo?